Smoking Kills, Di Nga Ba ?
ni: Ronalyn Eslao
Parami na nang
parami ang namamatay dahil sa bawat paghithit ng isang istik ng sigarilyo. Sa
kasalukuyan, 28.3 porsiyento ng mga Pilipino, edad kinse pataas ang
naninigarilyo. May malaking katanungan na nabuo sa isip ko dahil sa
obserbasyong ito, "Ano nga bang ikinaganda ng panininigarilyo?".
Sa araw-araw
na ginawa ng Diyos, lagi kang makakakita ng mga taong panay buga ng usok mula
sa kani-kanilang sigarilyo. Naging parte na ito ng pamumuhay ng lipunan. Ilan
sa mga rason ng mga tao kung bakit sila nahuhumaling sa paggamit ng sigarilyo
ay ito raw ay nakakawala ng pagod at nakapipigil sa antok kapag nasa gitna sila
ng pagtatrabaho, may ilan namang nagsasabi na nagiging "in" sila kung
gumagamit nito. Nakababahala na ang patuloy na pagrami ng mga gumagamit ng
sigarilyo kahit na hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang masamang epekto nito
sa kalusugan. Pikit mata ang ilan na mga adik sa sigarilyo tungkol sa maaaring
kahinatnan ng kanilang kalusugan kapag patuloy silang nagpakalulong sa
paghithit sa mga ito. Ayon sa pag-aaral, naglalaman ng 4, 800 na kemikals ang
usok mula sa sigarilyo, 69 dito ay maaaring magdulot ng kanser. Isa ring
katotohanan na mas maagang namamatay ang mga naninigarilyo kaysa sa mga hindi
gumagamit nito pero maaari pa ring
maapektohan ang mga taong ito kung makakalanghap sila ng usok mula sa
sigarilyo. Maaari pa ring malagay sa bingit ng kapahamakan ang mga tao kahit
hindi sila humithit ng sigarilyo.
Nakakapangamba ring malaman na mismong pangulo natin ay lulong sa
paggamit ng sigarilyo at hindi ito magandang tingnan para sa isang taong dapat
sana'y modelo ng bansa. Nakikita naman nating may aksyong ginagawa ang
pamahalaan ngunit parang kulang pa ang pagpapaalala nila sa mga tao. Kailangan
nilang mas pag-igihin ang pagmungkahi ng mga solusyon at pagsasabatas ng mga
ito upang supilin ang adiksyon ng mga tao sa sigarilyo. Kailangan nilang mas
maghigpit para makasigurong ligtas ang mamamayang Pilipino mula sa mga negatibong
epekto ng paninigarilyo.
Walang
anumang kapaki-pakinabang sa paggamit ng sigarilyo. Kailangan rin siguro ang
pagkilos at kooperasyon ng mamamayan at hindi lamang tuluyan na iasa sa
pamahalaan ang paghahanap ng solusyon sa palaki nang palaking isyu na ito. Mas
mapapabilis ang pagwakas sa masamang epekto ng paninigarilyo, kung sisimulan ng
mga "smokers" ang pagbabago at pag-eensayo ng kontrol sa sarili.
PLAGIARIZED
TumugonBurahin