Biyernes, Pebrero 3, 2017

Tekstong Persuweysiv : Ronalyn Eslao

" KABATAAN; Sa Maagang Pagbubuntis "
ni: Ronalyn Eslao


       Karamihan sa mga kabataan ngayon ay nahahantong sa maagang pagbubuntis. Sa maagang edad ng kanilang pagdadalang-tao, alam na kaya nila ang mga responsibilidad na kaakibat nito? Alam natin na ang pagpapamilya o pagkakaroon ng anak ay hindi basta-basta lang, lalo na sa hindi tamang panahon. Ngunit sino-sino nga ba ang may kasalanan sa mga kaganapang ito?

            Bilang magulang, nasisiguro mo bang nagagampanan mo ang iyong responsibilidad sa iyong mga anak? Hindi kaya dahil sa inyong kapabayaan kaya malaya nilang nagagawa lahat ng anumang nais nilang gawin. Bilang mga magulang responsibilidad niyo na gabayan at payuhan ang inyong mga anak sa bawat bagay na kanilang gagawin. Mahalaga rin na kausapin sila tungkol sa tamang panahon ng pagpapamilya. Higit na makakatulong kung mismong ang ating mga magulang ang siyang nagbibigay payo sa atin lalo na sa mga usaping ganito. Mas lalo natin itong maiintindihan kapag mula sa kanila sapagkat alam na natin na napagdaanan na nila ito. Ngunit sa lahat ng ito, pinakamahalaga pa rin na maipakita ng mga magulang ang pagmamahal nila sa kanilang mga anak. Maging bukas sa lahat ng bagay upang maramdaman natin bilang mga anak na kahit mawalan man tayo ng kaibigan, may magulang tayong maasahan at matatakbuhan sa kahit anu pa man.

             Sa mga kaibigan, matuturing nyo bang tunay kayong kaibigan? O d kaya'y kaibigan na naghahatid lang sa kapahamakan ng isa. Alam natin na lahat tayo bilang tao ay kailangan ng kaibigan, kaibigan na kasama natin sa bawat kasiyahan at karamay sa panahon ng kalungkutan. Ngunit sino nga ba ang tunay na kaibigan? Hindi lahat ng tao ay mabuting kaibigan, may iba na kaibigan ka lng kapag meron siyang nakukuha sayo. Meron namang iba na ang lagi sinasabi'y "gawin mo kung anong makapagpapasaya sayo, at kung ano ang nasa puso mo", kahit alam naman nilang mali ito. Oo tama nga naman, dapat tayong maging masaya para sa mga kaibigan natin, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon. Minsan kailangan din natin silang pagsabihan, pagsabihan sila sa kung ano man ang tama. Bilang kaibigan responsibilidad natin na isama sila sa tuwid na daan at hindi sang-ayunan ang kanilang baluktot na katwiran. Lagi nating tandaan, na ang mabuting kaibigan ay dapat laging totoo sa kahit kanino man.

  At bilang lalaki sa relasyong ito ikaw dapat ang nakakaalam ng limitasyon ninyo. "Respeto", yan ang dapat meron ka para sa babaeng minamahal mo. Dahil kung nirerespeto mo siya magagawa mong maghintay sa tamang panahon hanggang sa maging mag-asawa na kayo. Hindi mo kailangang magmadali, dahil ang mga bagay-bagay ay mas magiging masaya at matagumpay kung inilalaan ito sa tamang panahon.

                     Bilang babae naman sa realasyong ito, ikaw ang dapat mas nakakaalam ng limitasyon mo. Sa pag-usad ng relasyon ninyo dapat lagi mong isaisip na pwede mong ibigay ang lahat ngunit huwag lang yang kapirasong nakatago sa katawan mo. Kahit yan man lang itira mo para sa sarili mo. Halos lahat ng taong nkapaligid sayo nasisi ko na, subalit sinuman sa kanila ay walang magagawa sa kung anuman ang gustuhin mong gawin. At sa huli, lahat ng ito ay babagsak pa din sa iyong kapabayaan. Kahit minsan sana matuto kang mag-isip muna bago gawin ang alin mang bagay. Sapagkat wala naman ibang mahihirapan kundi ikaw din. Ikaw ang magdadala ng bata sa iyong sinapupunan, ikaw ang mahihirapang magbuntis at manganak, at ang mas mahirap ay kung wala kang maipakain sa inyong anak dulot ng kahirapan, hindi ba't napakasaklap?

          Bilang kabuuan ng lahat ng ito, nais kong malaman niyo na sa bawat kilos na ating gagawin ay laging may kaakibat ito na responsibilidad. Responsibilidad na dapat alam natin sa sarili natin. Sapagkat tayo rin at walang ibang sinuman ang magsasakripisyo sa mga maling desisyon na ating gagawin. Hindi kailanman mali ang magmahal, hangga't alam natin ang ating limitasyon at ang tama sa mali. Hindi rin mali ang magbuntis, ngunit dapat alam natin ang tamang panahon para dito. Lagi sana nating tandaan na ang lahat ng bagay ay mas gaganda at masaya kung ito ay naaayon sa tamang panahon at sa tamang pagkakataon.  

2 komento: